“Wala pa,” sagot ni Katya sa showbiz press tungkol sa wedding plans nila ng kaniyang fiancé, na mapapanood sa Kapuso Showbiz News.
“Actually, well, kasi ‘yung nangyayari sa amin, inuuna kasi naming magka-baby. So right now, I’m with the process of IVF,” pagpapatuloy ng dating miyembro ng Viva Hot Babes.
“We started last year. Siyempre with my age I’m already 42, so we prioritized na mag-baby muna more than the wedding,” sabi pa ni Katya. “So honestly, wala pa talaga, hindi pa talaga namin naiisip ‘yung kasal kasi nga parang hindi lang namin napag-uusapan.”
Ayon kay Katya, nag-propose sa kaniya si Paolo para mabigyan siya ng katiyakan na nasa tabi niya ito ano man ang mangyari sa IVF.
“Itong ring na ito, the engagement happened lang because my partner wanted to really assure me dahil nga mahirap ‘yung pinagdadaanan namin sa IVF, na nandito siya, whatever happens, magpapakasal kami, we will be building a family. ‘Yun lang naman ang reason talaga. And of course siyempre, para makasal din talaga,” kuwento ng aktres.
Na-engaged si Katya kay Paolo sa Japan sa pagsisimula ng 2024.
Dagdag pa niya, na matagal na rin nilang sinusubukan na magkaanak. Hindi rin umano biro ang kanilang pinagdadaanan sa IVF.
“Matagal na kaming nagta-try mag-baby. Kaya lang, hindi lang talaga religiously trying, hindi kami nagpapa-check. Iniisip ko lang kasi before 40, parang, ‘Wala naman akong problem!’ kasi may baby naman na ako,” saad niya.
May isa nang anak si Katya sa dating asawa sa na si Anton de los Reyes, na si Tala.
Ngunit nang sumailalim sa check-up, doon niya nakita ang kaniyang iba’t ibang komplikasyon.
“Na-realize ko na hindi pala porke’t wala kang nararamdaman eh wala kang problema,” ani Katya.
“Kasi I know I’m perfectly healthy, wala naman akong ginagawa, nag-e-exercise ako, healthy living. But then ‘pag sa babae pala dapat pala regular kayong nagpapa-check.”
“So we found out na I have myoma, ang daming underlying issues. And then medyo mababa na ‘yung ovarian reserve ng eggs, that's why we opted for an emergency IV. So simula noong na-check 'yon hanggang ngayon, nag-a-IVF kami,” pagpapatuloy ni Katya.
Inilahad ni Katya ang baby plans nila ni Paolo.
“We had already had five harvests, meron na kaming dalawang embryo. Hopefully, this July, i-implant na siya,” saad niya.
Gayunman, kailangan muna siyang operahan ulit para sa kaniyang myoma at endometriosis.
“Ang dami eh, kasi alam niyo naman kapag nag-turn na ng 40s ang babae lumalabas na ‘yung mga sakit,” patuloy niya. “Sabi ko nga, ‘Wala naman akong nararamdaman.’ But naaayos naman. So hopefully, by July, tapusin ko lang ‘yung isang show ko na gagawin, and then implant na namin.”
Sinabi pa ni Katya na hangad niya ang magka-baby dahil naghahanap na rin ng kapatid ang anak niyang si Tala.
“Gusto ko pa talagang magkaroon ng isa pang baby kasi ‘yung daughter ko ngayon is already 10 years old. Siyempre, naghahanap na rin siya ng kapatid,” kuwento niya.
Masaya na raw si Katya kahit magkaroon kahit ng isa pang anak.
“At least dalawa lang, so isa pa. Isa na lang, and siyempre para meron din kaming baby together. Lalaki o babae, kahit ano, basta dalawa lang. At least dalawa sila at magkaroon kami ng anak," sabi niya.
Bonus na lang din daw kung magkaroon sila ng kambal.
“Kasi, ang hirap na rin ipilit kasi nga 42 na ako, so baka hindi ko na rin kayanin magkaroon ng ilan pa. Kung mabuo ‘yung dalawa, kambal siya. ‘Yun na lang ang pinagpe-pray namin. Hopefully, we're praying na ‘yung dalawang ilalagay, mabuhay, or kahit isa sa kanila ay mabuhay,” ayon sa aktres.-- FRJ, GMA Integrated News