Hindi naiwasang mabanggit ni Coldplay frontman Chris Martin ang mabigat na trapiko sa unang gabi ng kanilang "Music of the Spheres" World Tour sa Philippine Arena sa Bulacan. Ang banda, naki-jamming din sa OPM band na Lola Amour sa hit nitong "Raining in Manila."
"Thank you to all of you for coming through the traffic... We've seen some traffic, but I think you have the number one in the world," sabi ni Chris sa kanilang concert, na mapapanood sa ulat ni Cata Tibayan sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.
Tila surreal naman ang bandang Lola Amour nang maka-jamming nila ang British rock band.
Kamangha-mangha ang unang gabi ng concert ng Coldplay sa Philippine Arena, mula sa full production at visuals, energetic crowd at walang kupas na performances nina Chris, Guy Berryman, Phil Harvey, Will Champion at Jonny Buckland.
Bonus pa ang interaksyon dahil may mga makukulay na lobong umiikot at lumilipad sa crowd sa buong concert.
Kasama sa kanilang kinanta ang "Higher Power," "Adventure of a Lifetime" at "Paradise."
Ilang celebrities naman na spotted sa concert sina Rhian Ramos, na ibinahagi pa ang kaniyang karanasan sa Instagram, Vanessa Peña at Ariella Arida.
Nasa concert din si Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Araneta Marcos.
Ngunit tila wala nang mas susuwerte pa kay Frances Baterbonia, na hindi lang nakasama si Chris sa stage, kundi naka-request at hinarana pa nang mabasa ng singer ang kaniyang banner.
"I decided to request for Everglow kasi alam ko it matters so much sa mga Pinoy. 'Yung pagiging hopeful mo sa buhay, 'yung parang feeling mo lugmok ka, feeling mo down na down ka, meron talagang magpapaliwanag sa 'yo, magbibigay-liwanag sa madilim mong buhay," sabi ni Baterbonia. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Coldplay frontman Chris Martin, nabanggit ang mabigat na traffic sa kanilang concert; naki-duet sa Lola Amour
Enero 20, 2024 10:52pm GMT+08:00