Muling maghahatid ng kilabot sa mga manonood ang Pinoy classic horror film franchise ng Regal Entertainment na 'Shake, Rattle & Roll.'
Matapos magpahinga ng ilang taon, mapapanood ang “Shake, Rattle & Roll Extreme,” na kabibilangan ng ilang Sparkle GMA Artist.
Kabilang dito na sina Paul Salas, Elle Villanueva, at Angel Guardian.
Kasama sa episode na “Mukbang” sina Paul at Elle Villanueva, habang mapapanood naman si Angel sa episode na “Glitch.”
Bahagi naman ng episode na "Rage" sina Dustin Yu at Bryce Eusebio.
Ayon sa Instagram Stories ng Regal Entertainment, kasama rin cast sina Iza Calzado, Jane De Leon, Ninong Ry, AC Bonifacio, Rob Gomez, at marami pang iba.
Taong 2014 pa nang huling maglabas ng classic horror film franchise ang Regal na "Shake, Rattle & Roll XV." —FRJ, GMA Integrated News