Inihayag ni Alden Richards na nagkaroon siya ng takot noon na tumanggap ng mga bagong movie project dahil sa naging tagumpay ng pelikula "Hello, Love, Goodbye."

Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinakita sa GMA News “24 Oras” Biyernes, tinanong si Alden kung may nararamdaman ba siyang pressure sa bago niyang pelikula na “Five Breakups and a Romance,” na katambal si Julia Montes.

“I was fearful, you know, coming from the success of ‘Hello, Love, Goodbye’ siyempre, it broke records,” saad ni Alden.

“Natakot po ako to accept projects in terms of movies kasi lalo pa’t ‘yung pagtingin ko sa details ng gagawing projects is medyo, of course, tumaas din ‘yung standards ko,” dagdag niya.

Apat na taon na ang nakararaan nang ipalabas ang “Hello, Love, Goodbye” na katambal niya si Kathryn Bernardo.

Nitong nakaraang Abril nang lumabas ang balita na magsasama sa pelikula sa unang pagkakataon sina Alden at Julie.

Ang "Five Breakups and a Romance" ay mula sa panulat at direksyon ni Irene Villamor.

Bukod sa “Five Breakups and a Romance,” ginawa rin ni Alden ang pelikulang “A Mother and Son’s Story” na kasama naman niya si Sharon Cuneta.--FRJ, GMA Integrated News