Inihayag ni David Licauco na nabago ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang pagganap bilang si Fidel, ang matalik na kaibigan ni Crisostomo Ibarra sa hit portal fantasy series na “Maria Clara at Ibarra.”
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nagbigay ng ibayong sigla sa career ni David bilang artista ang kaniyang karakter.
“Just trying to keep it real, I guess, kasi unbelievable siya eh. Never kong in-expect. Buti na lang talaga tinanggap ko siya kasi it changed my life for the better,” sabi ni David.
Ayon pa sa aktor, sobra siyang masaya dahil naging malapit sa kaniya ang kaniyang mga co-star sa series.
Inihayag din ni David na naging natural siya sa emosyonal na eksena nang magpaalam sa isa't isa nina Fidel at Klay, na ginagampanan ni Barbie Forteza.
Sa naturang eksena, babalik na sa kaniyang tunay na mundo si Klay.
“Biglang naramdaman ko siya eh naturally, kumbaga hindi ko siya pinlano, naramdaman ko lang. So grabe ‘yung hagulgol ko. ‘Parang ang lungkot ko ah,’” sabi ni David.
Bilang pasasalamat, naghanda ng masaganang pananghalian si David sa mga bumubuo ng GMA Entertainment Group Creative Team.
Present si GMA Network Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide and Support Group and President of GMA Films Atty. Annette Gozon-Valdes at Sparkle AVP for Talent Management and Development Joy Marcelo. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News