Hindi napigilan ng veteran journalist na si Jessica Soho na maging emosyonal nang balikan niya ang mga nasaksihan sa Afghanistan nang mag-cover siya rito noong 2002. Kabilang na rito ang pagsabog ng isang ambulansiya na malapit lang sa kanilang kinatatayuan.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Jessica na ngayon lang niya ikukuwento ang lahat nang kaniyang nasaksihan at naramdaman sa naturang news coverage na hinding-hindi niya malilimutan.
Nang panahong iyon, nakontrol na ng mga sundalong Amerikano at kanilang mga kaalyado mula sa Taliban ang Afghanistan. Sa gitna ng digmaan, maraming landmines o bomba ang itinamin ng kalaban na kailangang alisin.
Sasama raw dapat ang grupo ni Jessisa sa pagpapatrolya ng mga sundalong Amerikano sa Bagram Air Base nang makita nila ang Danish Deminers Group, na mag-aalis ng mga itinanim na bomba.
Naisipan nilang i-cover na muna ang mga mag-aalis ng bomba dahil malapit din lang ito sa Bagram Air Base.
"So sabi ko, 'Uy! Tamang-tama!' So nag-usap kami ng producer ko, ni Joy Madrigal. Sabi ko, 'Bago tayo pumunta dun sa loob ng base, i-cover muna natin 'yung mga nagtatanggal ng landmine.'" kuwento ni Jessica.
Bago magpunta sa field, pinagsuot ang team ni Jessica ng protective gear at pinapirma ng waiver.
Hanggang sa may mangyaring pagsabog at may nadisgrasyang nag-aalis ng bomba na isinakay sa ambulansya.
Tinanong sila kung gusto nilang sumama sa ambulansiya pero tumanggi sila Jessica dahil mayroon pa silang coverage sa Bagram Air base.
"Kaya ako tumanggi. Pero kung wala siguro 'yun na naka-schedule, baka sumama kami," saad niya.
Pero habang kinukuhanan ng video ng cameraman ang pag-alis ng ambulansiya, bigla itong sumabog nang magulungan ang nakatanim na mas malakas na bomba.
"Bigla na lang parang 'boom!' Tapos parang nabingi na ako. Parang na-mute 'yung TV mo o 'yung gadget mo, parang ba't ganito? Tapos parang iba bigla 'yung mundo mo. Parang slowmo ba o—ewan ko, ang hirap ipaliwanag pero naramdaman ko 'yung init, tapos 'yung parang ripples," balik-tanaw niya sa mga pangyayari.
Isang uri ng anti-tank landmine ang itinamin at sasabog kapag nadaganan ng mabigat na sasakyan. Nang sandaling iyon, maraming sakay ang ambulansiya.
"After that time, para kaming tulala," ani Jessica. "Para kaming mga basang sisiw. Napaupo na lang kami sa isang tabi pero nagpapasalamat na lang ako na walang nangyari sa amin."
Ngayon na muling nakabalik sa kapangyarihan ang Taliban, inaalala ni Jessica ang magiging buhay muli ng mga mamamayan doon; kumusta na kaya ang mga taong nakapanayam at nakasalamuha niya noon.
"Ang alam lang nilang klase ng buhay, giyera. And even the generations before them. So ayun, nadudurog 'yung puso ko. Ang sakit kasi, parang may link ako sa Afghanistan hanggang ngayon na dala-dala ko. Actually, naiiyak ako kasi naalala ko, na-e-emotional po ako tuwing naalala ko 'yung mga nakita ko sa Afghanistan, at nag-aalala, kumusta na kaya 'yung mga bata?," pahayag niya.
"Kumusta na kaya 'yung mga kababaihan na nakapanayam ko? Kumusta na kaya 'yung mga tumulong sa amin, 'yung mga nag-guide sa amin, 'yung interpreter? Sana 'yung mga karapatan ng mga kababaihan talagang maisulong o maprotektahan, talagang bibigyan ng kalayaan ang mga babae na makita at marinig," patuloy pa ni Jessica.
— FRJ, GMA News