Nagbabalik ang hit Pinoy adaptation ng Korean drama na "Endless Love" na pinagtambalan ng real-life couple na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing 2010 nang ipalabas ang Endless Love, kung saan ginampanan nina Marian at Dingdong ang mga karakter nina Jenny at Johnny.
Ayon kay Marian, sariwa pa rin sa kaniya ang mga ala-ala nang gampanan niya ang role niya na si Jenny kahit mahigit isang dekada na ang nakalilipas.
Si Kristoffer Martin naman, itinuring ang Endless Love na isa sa mga pinakaimportante niyang project kahit noong teen actor pa lamang.
"Sobrang natutuwa ako, sabi ko ang saya saya gumawa, para kang nasa Koreanovela talaga. Kasi noong pinanood ko ulit 'yung snippets before sabi ko parang Koreanovela tsaka sobrang payat ko noon! Para akong tingting," sabi ni Kristoffer.
Hindi raw malilimutan ni Dennis Trillo nang masaksihan niya kung paano umusbong ang pag-iibigan sa tunay na buhay ng DongYan.
"Naaalala ko 'yung mga eksena naman nina Marian at Dingdong doon, actually 'yun 'yung experience na makatrabaho ko 'yung dalawang 'yun bago pa sila ikasal," sabi ni Dennis.
Itinuturing naman ni Dingdong na "fond memories" niya ang adaptation na kasama niya ang kaniyang "endless love" na asawa na niya ngayon.
"Kasi noong time na 'yun talagang pinagsisigawan talaga namin sa buong mundo kung gaano namin kamahal ang isa't isa. That's why iba rin 'yung experience of working with your real-life partner on screen. So kakaibang experience talaga 'yun," anang Kapuso Primetime King.
Mapapanood ang Endless Love simula Lunes sa GMA Telebabad pagkatapos ng First Yaya. – Jamil Santos/RC, GMA News