Naungusan ng K-pop sensation na BTS ang sarili nilang record na pinakamaraming views in YouTube in 24 hours sa pag-release ng kanilang ikalawang English song na "Butter."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing meron nang mahigit 116 milyong views sa YouTube ang kanilang music video, 24 oras matapos ang release nito.

Ang BTS din ang may hawak na mahigit 101 milyong views sa loob ng 24 oras para sa all-English song nila na "Dynamite."

Sa isang press conference, sinabi ng BTS rapper na si Suga, na pabirong tinawag ng ARMY na "resident psychic" ng grupo, goal nilang makakuha ng isa pang Grammy nomination sa kanilang kantang Butter.

Bukod dito, miss na miss na rin nila ang kanilang fans, kung saan inilagay nila sa kanilang kanta ang gusto nilang ipakita sa Army.

Ipe-perform din ng BTS ang kanilang funky summer track sa 2021 Billboard Music Awards sa Lunes, kung saan co-nominee nila ang SB19 sa Top Social Artist Category.

Ang SB19 naman, more than one million views na ang lyric video ng bago nilang single na "Mapa."

Tribute nila ang kanilang soulful ballad single na galing sa mga pinaikling salita na "Mama" at "Papa." – Jamil Santos/RC, GMA News