Sinabi ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo na hindi siya mahihiyang ipaalam sa mga tao na nanggaling siya sa mahirap na buhay.
Sa panayam ng "Kapuso Mo, Jessisa Soho," ibinahagi ni Rabiya ang kaniyang naging buhay noon hanggang sa makamit niya kamakailan ang korona bilang Miss Universe Philippines.
“Kasi being a Miss Universe Philippines, hindi naman siya pasosyal sosyal e. Now you have a voice to inspire a lot of people. ’Yung mga mahihirap mas ma-iinspire sila, ’yung mga mayayaman mare-realize nila to value the things kung anung meron sila,” paliwanag niya.
“So parang sa akin, bakit ko ikakahiya? Kasi gusto kong ma-remember ako ng mga tao na isa sa mga beauty queens na nagsumikap talaga sa buhay. Dugo, pawis, ang daming sakripisyo na ginawa ko," patuloy niya.
Sa kaniyang naging karanasan, sinabi ni Rabiya na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga tao sa pag-abot sa pangarap anuman ang estado sa buhay.
"Kaya sinasabi ko sa lahat, basta maniwala lang kayo sa pangarap ninyo, matutupad talaga. Tingnan niyo ako ngayon," saad niya.
Ayon kay Rabiya, mag-isa lang siyang itinaguyod ng kaniyang ina dahil iniwan sila noon ng kaniyang amang Indian national noon bata pa siya.
“Kaya ’yung Mama ko talaga yung nagtaguyod and dahil sa probinsya rin kami lumaki. And sabi ko nga kailangan ko talagang magsumikap sa buhay kasi naranasan ko in the past na maputulan ng kuryente, humiga lang sa banig, magtrabaho," kuwento niya.
Sa boarding house na kaniyang tinuluyan sa Iloilo noong nag-aaral, sinabi ni Rabiya na sa banig siya natutulog habang naka-foam na matres ang kaniyang mga kasama.
“Hindi ko naman po inisip noon na ay kawawang-kawawa ako kasi sa banig ako natutulog. Hindi naman. Nakikita nila akong nag-aaral na banig lang talaga tinutulugan ko. Pero proud po talaga ako kahit kasi sa probinsya, kami nila lola, sa banig natutulog," patuloy niya
Nang tumungton siya sa kolehiyo, nagkaroon na raw siya ng mga oportunidad sa pagmomodelo.
"Brand ambassadress of different products and nag a-usher ng mga events. Parang naging raketera talaga ako because I wanted to earn something. Lahat ginagawa ko talaga. Pinagsabay ko talaga ang pag-aaral at pagtatrabaho ko para lang may mabigay kay Mama, para may mapang-baon," sabi pa ng beauty queen.
Ikinuwento naman ng isang kaibigan na gumising ng 3:00 am si Rabiya para mag-aral kahit 11:00 pm na ito nakauwi mula sa trabaho.
Hindi rin mamahalin ang uri ng cellphone na gamit ni Rabiya.
“Sa mga ibang candidates ang gaganda, so parang meron pa pong nangyari nasira talaga ’yung phone ko. Mabuti na lang po talaga ’yung roommate ko na si Iloilo Province, pinahiram niya ko ng extra phone niya,” masaya niyang pagbabalik-tanaw.
Isang duktor sa Iloilo na si Pat Tan ang nagregalo umano sa kaniya ng bagong cellphone.
Sa kaniyang pinagdaanan at narating, hindi napigilan ni Rabiya na maiyak sa kasiyahan.
“Iyong naiyak ko before ako maka-reach sa point na ito. And sabi ko po pinatatatag kasi ako ni God every single time,” ayon kay Rabiya. – FRJ, GMA News