Hindi mapigilang maiyak ng isang ina mula sa Cavite nang siya ang masuwerteng tawagan ni Kuya Wil sa "Tutok To Win" sa "Wowowin."

Ayon kay Ana Toledo ng Rosario, Cavite, hindi pa niya napapadede ang anak niyang sanggol at hindi pa siya kumakain nang tawagan ng Wowowin host. Ang kaniyang asawa naman, walang trabaho ngayong COVID-19 pandemic at naghahanap sa labas ng mauutangan.

Marami na rin daw utang ang kanilang pamilya mula sa kanilang kapitbahay.

Dahil dito, pinapunta ni Kuya Wil ang caller sa tindahan at inanunsyong siya na mismo ang magbabayad ng kanilang utang.

Nakiusap si Kuya Willie sa may-ari ng tindahan na babayaran niya ang utang ni Ana na halos P2,000, at bigyan din ang caller ng gatas para sa hindi pa napapadedeng anak.

Kapalit nito, bibigyan din ni Kuya Wil ng P5,000 na pangpuhunan ang tindahan.

Nanalo naman ang caller ng P20,000. —LBG, GMA News