Dahil sa tagumpay ng mga Pinoy movie sa mga streaming platform gaya ng Netflix, bukas si Janine Gutierrez na gumawa ng mga proyekto para dito. At isa sa mga tema ng istorya na nais niya gawin, isang mystery thriller movie gaya ng "Gone Girl."
“I would love, like, a mystery thriller, like a ‘Gone Girl,’ or you know that Nicole Kidman movie (‘To Die For’) … she’s a news reporter tapos murderer pala siya … ’yung mga seeming na characters, tapos biglang may twist … Gusto ko ng gano'n," excited na kuwento ni Janine sa Zoom interview nitong Biyernes.
Tila hindi naman mahihirapan sa ganitong tema ng pelikula si Janine dahil sa mahusay niyang pagganap sa psychological thriller na "Babae at Baril," na ipalalabas sa 2020 New York Asian Film Festival.
Sa naturang pelikula na idinerek ni Rae Red, nakamit din ni Janine Gutierrez Best Actress award sa idinaos na 2019 QCinema International Film Festival.
Natutuwa si Janine na ipinapalabas sa mga streaming platform ang mga Pinoy movies, at napapanood ng mga Pinoy maging na nasa ibang bansa.
“I think it’s a great time for Filipino films, especially now that there are so many on Netflix and other streaming platforms,” anang aktres.
“Palagi ko kasi dati naririnig ’yung comment na, ‘oh ang ganda ng pelikula, parang hindi Pinoy ang gumawa,’ and I think that’s a [misconception]. Siguro ’yung mga nagsasabi noon just haven’t seen enough Filipino films,” patuloy niya.
Hinikayat din ni Janine ang iba Pinoy na panoorin ang mga local films dahil marami umanong magaganda.
Nang tanungin kung ano ang pananaw niya sa tila paglipat ng entertainment industry sa streaming platforms, sagot ni Janine: “I’ve always felt na doon naman talaga tayo papunta and you can’t stop that kind of change eh. You just really have to adapt. Kung hindi mo siya maunahan then sabayan mo, so that’s really where everyone is going.”
Ilan sa mga pelikula ni Janine ang ipinapalabas na rin sa Netflix tulad ng “Elise” at “Spirit of the Glass 2.” – FRJ, GMA News