Inihayag ng batikang actress-director na si Gina Alajar na negatibo ang resulta ng isinagawang COVID-19 test sa kaniya.

Ipinakita ni Gina sa kaniyang social media account ang resulta ng pagsusuri matapos na may lumabas na ulat na kabilang siya sa mga person under investigation (PUI).

“I was told that a newspaper writeup said I am a PUI…very late info na po,” saad ng actress-director sa caption ng larawan ng kaniyang COVID-19 test mula sa Research Institute for Tropical Medicine.

Nakasaad na March 14 pa nang kunan siya ng specimen o sample.

"Negative ang COVID test ko and wala akong pneumonia," dagdag niya.

Nitong Sabado, iniulat na nagpositibo sa COVID-19 ang aktres na si Iza Calzado na nakaratay ngayon sa ospital dahil sa pneumonia.

Ayon sa talent manager ni Iza na si Noel Ferrer,  maayos na ang kalagayan ng kalagayan ng aktres at nakatakdang sumailalim uli sa pagsusuri kung tuluyan nang nawala ang virus.

Noong nakaraang linggo, nakalabas na ng ospital ang batikang aktor na si Boyet De Leon na nagpositibo rin sa virus pero gumaling na.

Itinuturing naman na lPUs si Eat Bulaga host Ruby Rodriguez, pati ang kaniyang mister at mga anak, dahil sa kanilang "close contact" kay Dra. Sally Gatchalian, na pumanaw sanhi ng COVID-19.

Si Gatchalian, na isa sa mga frontliner sa paglaban sa virus, ay kapatid ni Ruby.--FRJ, GMA News