Bago pa man pumutok sa dami ng views sa Youtube ang nakakikilig na muling pagkikita ng "Wowowin" co-host "Hipon Girl" Herlene at US Navy Ensign Patrick Bolton, dati nang nakapanayam sa GMA News ang dugong-Pinoy na Navy officer.
Hanggang ngayon, number one trending video pa rin sa Youtube ang muling pagdalaw ni Patrick kay Herlene, na umabot na sa mahigit 6.5 million views.
Ang video naman nang una nilang pagkikita noong huling linggo ng Agosto, umabot naman sa mahigit 10.8 milyon na ang views.
Pero bago nito, nauna nang nakapanayam ng GMA News si Patrick noong Agosto nang ibalita ang mga may dugong-Pinoy na Navy officer na sakay ng barkong pandigma ng Amerika na USS Ronald Reagan.
READ: Filipinos shine aboard one of the most powerful US warships
Napag-alaman na tubong Cavite ang ina ni Patrick, habang isa ring dating US Navy officer ang kaniyang ama, na nadestino sa Subic Bay.
"Navy din si Papa so he influenced me to join the Navy and so here I am today," kuwento niya noon. "Kaga-graduate ko lang po ng Naval Academy sa Maryland so dito wardroom officer po ako."
Nagbabakasyon si Patrick noong Agosto nang mananood sila ng kaniyang pamilya ng "Wowowin" nang una niyang makita si Herlene kung saan inawit ng "Wowowin" co-host ang kaniyang una at hit single na "Talikogenic Man Ako."
WATCH: Sexy na ‘Hipon’ at guwapong U.S. Navy officer, bagay kaya?
Pagkaraan nga ng ilang buwan, muling bumalik sa "Wowowin" si Patrick upang makita raw muli si Herlene at kaniyang inimbitihan na libutin ang mundo.
WATCH: U.S. Navy officer na dating nanood ng 'Wowowin', bumalik para makita si ‘Hipon Girl’ Herlene
Si Herlene, hindi mapigilan ang kilig at nagpasalamat sa pagpapahalaga at pag-alala sa kaniya.
"Alam mo salamat ah, na-appreciate ko parang feeling ko ang ganda ko ngayon kasi parang may naka-appreciate ng halaga ko ngayon, parang may naka-appreciate, hindi man sa ganda ko sa ugali, basta may naramdaman akong pagiging special bilang tao," anang dalagang Youtube sensation.
LOOK: 10 photos from Patrick's IG, the U.S. Navy who returned to Wowowin for 'Hipon Girl' Herlene. --FRJ, GMA News