Sa pagpirma niya ng kontrata bilang isang ganap na Kapuso, ipinaliwanag ni Patricia Tumulak kung bakit hindi na siya napapanood sa longest running TV show na "Eat Bulaga."

Kabilang si Patricia sa mga bagong artist ng GMA Talent Development and Management Department na pumirma ng kontrata at ipinakilala sa media nitong Huwebes.

 

 

Bagama't hindi pa raw gaanong nagsi-sink in sa kaniya, malaki ang pasasalamat ni Patricia sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng mga boss ng GMA Network.

"Hindi pa nagsi-sink in, hindi pa ako nakapagsimula pero sana hindi naman drastic change compared before, pero mainit ‘yung pagtanggap from the staff kanila Ms. Gigi Santiago-Lara, super grateful," ani Patricia na nakilala sa Eat Bulaga bilang si "HBD Girl."

Nagsimula sa pagiging host sa Eat Bulaga, sinubukan din ni Patricia ang pag-arte, at napanood sa "Super Ma'am" at "I heart Davao."

Nang matanong kung bakit nawala siya sa "Eat Bulaga," sabi ni Patricia, "For me timing is everything and change is good. Personal naman din siya, but I’m happy with the result."

Suportado naman daw siya ng mga dabarkads sa kaniyang desisyon, at patuloy pa rin ang kanilang komunikasyon.

"‘Yung mga Dabarkads supportive sa akin kasi we still keep in touch, update na, 'Oh we're happy for you. Galingan mo.' Magkausap pa rin kami and that's good," saad niya.

"Siyempre nami-miss ko sila. Iba ang live eh, iba ‘yung energy na nakakatawa and nag-uusap naman kami. So for me kailangan din, change is inevitable and everything is temporary. So as long as it’s for the better, then go," pag-amin ni Patricia.

Ayon pa kay Patricia, malaki ang naitulong ng EB sa kaniyang pagiging host.

"With Bulaga kasi, no training 'yun... Kulang pa ako, ang dami ko pang kailangang matutunan. Pero through them, andami nilang advice na 'kalma ka lang.' Kasi na-star struck ako working with them. Imagine mo sila sir Joey [de Leon], sila Pauline [Luna], minsan natutulala lang ako. Pero malaking tulong sila, working with them, andami kong natutunan," paliwanag niya.

Ngayong talent na ng TDMD, tila gusto ni Patricia na ipagpatuloy ang paggawa ng action, matapos ang pagganap niya bilang si "Black Super Ma'am."

"Surprisingly, action na eh. Gusto ko action. Action star. As in suntukan. Ang sarap ng feeling eh. Tsaka 'yung stuntman na suntukin mo talaga nang totoo, pangarap ko. Mga Angelina Jolie na Tomb Raider or Spy," aniya.

Gusto rin daw masubukan ni Patricia na maging news anchor.

"If ever gusto ko rin talagang mag-news. Pero depende kung anong ibigay sa akin. Choosy pa ba tayo du'n? Basta I'm up for challenges, anything na ibigay sa akin, as long as it's for the better and makakabuti sa akin," patuloy niya. -- FRJ, GMA News