Sa muling pagsasama ng 90's singing group na "The Triplets" para sa kanilang concert sa Setyembre, sinabi ni Tina Paner na siya ang bahala sa pag-imbita sa mga naging ka-love team noon ni Manilyn Reynes.
Sa pocket interview ng 'Triplet' concert nitong Miyerkules, ikinuwento ni Tina na imbitado sa kanilang "Triplet" concert sina Janno Gibbs, Keempee de Leon at Ogie Alcasid.
"Sagot ko at tina-try kong ma-invite. Kasi kailangan. Hindi pupuwedeng mawala 'yon kasi naging parte ng career ni Mane (Manilyn) 'yung ka-love team niya," ayon kay Tina.
"'Yon nga lang hindi ko alam kung sino sa ka-love team niya. Puwedeng si Janno, puwedeng si Keempee, puwedeng si Ogie, puwedeng si Aljon [Jimenez na asawa ni Manilyn]. So, talagang surprise na lang," patuloy ng singer-actress.
"Siya kaya ang may pinakamaraming love team," natatawang dugtong ni Tina tungkol sa panahong magkakasama sila sa dating youth oriented variety show na "That's Entertainment."
Sa nakaraang primetime series na "Meant To Be," nagkaroon ng pagkakataon na magkasama-sama sina Manilyn, Sheryl, Tina, Janno at Keempee.
BUHAY AMERIKA
Samantala, ibinahagi naman ni Sheryl ang naging buhay niya sa Amerika matapos na maghiwalay ang kanilang grupo at pansamantalang iwanan ang showbiz.
"My daughter is 16 years old and she's back from the States kasi every year naman pumupunta 'yon with her dad. So what made me stay here (Philippines) is my love and my passion for my work. So blessed na continues 'yung work with both singing and acting. I'm very happy about that," pahayag ni Sheryl Cruz.
Sinabi rin niya na nag-aral siya habang nasa Amerika at nakapagtapos sa City College of San Francisco sa kursong Liberal Arts.
"Bukod doon, I was working part time sa isang construction company. After nu'n, nu'ng na-miss ko 'yung aking roots dito sa showbiz and music, I went back and I was very happy because na-bless naman ako kasi tinanggap ako ng showbiz with open arms. I was able to do movies again, TV shows and reporting," patuloy niya.
Magaganap ang "Triplet" concert sa Setyembre 9. -- FRJ, GMA News