Hindi na pumalag sa mga awtoridad ang suspek nang arestuhin ng mga awtoridad sa loob mismo ng kaniyang tinutuluyan sa Tondo, Maynila.
Ang lalaki, top 4 most wanted person ng National Capital Region Police Office at top one most wanted ng Manila Police District para sa kasong murder.
Siya ang itinuturong pumatay sa isang lalaki sa bahagi ng Moriones noong Abril ng nakaraang taon.
Ayon sa pulisya, namatay sa bugbog ang biktima.
Nakita umano ng suspek ang kaniyang kinakasama na nasa loob ng isang kuwarto at gumagamit umano noon ng iligal na droga kasama ang biktima.
“Itong suspek natin ay may dalawang anak dun sa babae, kaya sa galit nito, binugbog niya itong lalaki hanggang sa mawalan ng malay,” ayon kay Police Lt. Ferdinand Omli, Chief Intelligence and Warrant Section, Manila Police District 12.
“Ito ay isang sample na makikita natin na ang isang pamilya ay nasisira dahil sa droga,” dagdag niya.
Naisugod pa sa ospital ang biktima pero namatay din siya kalaunan.
Habang ang akusado, agad daw nagtago sa bahagi ng Pasay City at namasukan doon bilang stay-in helper.
Nito lamang Enero lang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
Agad naman siyang natunton sa tulong na rin ng barangay.
“Napag alaman natin na umuuwi to 'pag kumukuha ng kanyang damit o kaya kapag naglalaba, ayun naaktuhan natin,” ayon kay Omli.
Sa kuwento ng suspek, nabalitaan niya raw noon na may relasyon ang kanyang kinakasama at ang biktima.
Nang matunton ang bahay, ginulpi niya ang biktima para maturuan ng leksyon.
Pero hindi niya lubos akalain na mapapatay niya ang biktima.
“Marami po nagsabi sabi po,” ayon sa akusado. “Hindi po ako masamang tao.”
Mananatili sa kustodiya ng Del Pan Police Station ang akusado habang hinihintay ang commitment order ng korte. — BAP, GMA Integrated News