Nagsumbong sa pulisya ang isang babaeng Chinese dahil ginahasa at pinagnakawan umano siya ng tatlo niyang kababayang Chinese sa loob ng isang hotel sa Pasay City. Ang isang suspek na naaresto, nahulihan din ng baril.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing hindi pa makapagsalita nang maayos ang 38-anyos na biktima dahil sa kaniyang sinapit.
Kaya ang kaibigan nito ang nagkuwento sa naging karanasan ng biktima.
Ayon sa kaibigan, nakipagtransaksyon umano online ang biktima sa kapuwa niya Chinese na inakala niyang babae para magpapalit ng Chinese Yuan sa Philippine Peso.
Pumayag siyang makipagkita sa kausap na "babae" sa isang hotel sa Pasay para mapapalitan ang kaniyang pera.
Pero pagpasok niya sa kuwento, inabutan niya sa loob ang tatlong lalaki at tinutukan siya ng baril kaya wala na siyang nagawa.
“Unfortunately, when she went to the appointed room, there were another 3 males [and] they actually controlled her and forced her to pass all of her items… They did something [like] sexual harassment to her… She had no choice because it was life threatening and it was about life or death,” ayon sa kaibigan ng biktima.
Pinaalis na siya ng hotel matapos umano siyang pagsamantalahan at kunin ang kaniyang pera na nagkakahalaga ng P20,000.
Matapos magsumbong sa pulis, kaagad na pinuntahan ng mga awtoridad ang hotel at naaresto ang isang babae at isang lalaking Chinese.
Dalawang baril din ang nakuha sa kanila.
“Foreign national sila, bakit naman mayroon silang baril? It’s a part of the investigation, tatanungin natin ano trabaho nila dito. Anong purpose na nandito sila sa bansa natin? ‘Yun naman yung inaano natin… pero sa ngayon, di pa natin masabi kung involved ba sila sa POGO operation,” ayon kay Pasay Police Chief Police Colonel Samuel Pabonita.
Tumangging magbigay ng pahayag ang naarestong mga suspek na hindi raw nakakapagsalita ng Ingles.
Patuloy namang hinahanap ang dalawa pang lalaking suspek. -- FRJ, GMA Integrated News