Nasawi ang isang 10-anyos na lalaki matapos siyang makulong sa kanilang nasusunog na bahay sa Paco, Maynila.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing tumagal nang higit isang oras at umabot ng ikalawang alarma bago tuluyang naapula ang sunog sa Merced Street.
Inilahad ng tiyahin at kasambahay ng bata na na-trap sa isa sa mga kuwarto sa ikalawang palapag ang biktima.
"Sabi ng amo ko kunin ko raw ang bata. Sabi ko, 'Hindi ko na makuha kuya kasi may apoy na, hindi ko na siya makuha.' Lumabas na kami rito sa labas takbo na kami rito tapos hindi na siya nakuha," sabi ng kasambahay na si Flora Ranuco.
"Wala na kaming magawa lahat. Wala na kasi pagdating namin, 'yung usok lumalabas na rito," sabi naman ni Naty Carillo, tiyahin ng biktima.
Mabilis na kumalat ang apoy na umabot pa sa kisame at pader ng dalawa nitong katabing bahay.
Dinala sa punerarya ang labi ng bata habang isinugod sa pagamutan ang kaniyang mga magulang.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Paco Fire Station kaugnay sa pinagmulan ng sunog na tumupok sa tinatayang nasa P70,000 halaga ng ari-arian.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News