Arestado ang isang lalaking call center agent matapos niyang gahasain at kikilan umano ang isang babaeng kaniyang nakilala sa dating app sa Parañaque City.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nadakip ang suspek na sangkot umano sa robbery extortion sa ikinasang entrapment operation ng Southern Police District.
Dahil ito sa kaniya umanong pananakot sa biktima na ipakakalat ang mga maseselang larawan nito kapag hindi nagpadala ng pera.
"Nagsumbong sa akin at sa pulis ang magulang ng isang bata, na itong batang ito ay nag-dating app at pagkatapos sa dating app, doon na lumabas ng hinihingan na ng mga litrato, tapos doon nakipagkita, ginahasa, tapos hinihingan pa ng pera," sabi ni DILG Secretary Benhur Abalos.
Lumabas sa imbestigasyon na Sabado lang nang magkakilala ang 25-anyos na suspek at ang 19-anyos na biktima.
Kinabukasan, may nangyari na umano sa dalawa at nakapagpadala na ng kaniyang maseselang larawan ang biktima sa suspek, ayon sa pulisya.
Pagkaraan ng ilang araw, nagsimula na umanong manghingi ng pera ang suspek sa biktima.
Depensa ng suspek, walang pamimilit sa nangyari sa kanila ng biktima.
"Pareho po naming ginusto po. Hinatid ko pa nga po siya pauwi. Sana maayos pa kasi hindi ko talaga intention na saktan siya or what. Nakipag-usap ako pero feeling ko mali 'yung paraan ko," sabi ng suspek.
Sisikapin ng GMA Integrated News na makunan ng pahayag ang biktima.
Nasa kustodiya na ng DSOU ng SPD ang suspek, na mahaharap sa reklamong robbery-extortion.
Patuloy din ang pagsasagawa ng case build-up ng mga awtoridad para sa kasong rape na isasampa rin laban sa suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News