"Ang pinaka-common na cause ng kidney stone ay ang kulang sa pag-inom ng tubig. Kung kulang ang inom mo ng tubig, kulang ang pagdaan ng tubig sa kidney," paliwanag ni Dr. Richard Hizon, nephrologist sa NKTI, sa Pinoy MD.
"Dahil dito, maaring maipon 'yung minerals, 'yung mga puwedeng maging crystal, maaring sa loob ng kidney mismo, ito 'yung tinatawag nilang nephrolithiasis, sa loob ng kidney. Or puwede ito doon sa daanan ng ihi... hanggang sa pantog, puwede rin. Ang tawag naman doon ay urolithiasis o ureterolithiasis," dagdag ni Hizon.
Ilan sa mga sintomas ng kidney stones ang pagkakaroon ng bara at masakit na pakiramdam sa paglabas ng ihi at dugo sa ihi.
Ayon kay Hizon, hindi totoong nakatutulong ang pag-inom ng apple cider vinegar para madurog ang kidney stones.
"Ang apple cider vinegar ay wala pang studies 'yan. Wala pang proven studies na talagang nakakagaling siya o nakakawala siya ng kidney stone. Since walang studies, hindi ko po ito marerecommend na i-take ninyo para sa kidney stone o pag-iwas o pag-prevent ng kidney stone," anang nephrologist.
Sa halip, inirekomenda ni Hizon na uminom ng tatlong litro ng tubig kada araw para maiwasan ang kidney stone. Pero kung mayroon nang kidney stone, mas marami pa ang dapat inumin na apat o limang litro kada araw.
Samantala, ang pananakit sa likod ay kumpirmadong sintomas ng kidney stones.
"'Pag 'yung kidney stone ay nakabara na malapit sa kidney itself, puwede roon 'yung sakit 'yung sa likod na sinasabi. Pero 'pag 'yung stone ay gumulong na pababa papunta sa ureter o 'yung daanan ng ihi papunta sa pantog, puwedeng mas mababa yung pain."
Totoo ring maaaring maging dahilan ng kidney stone ang pag-inom ng sobrang Vitamin C.
"May mga pagsusuri na pinapakita nila na, totoo, ang Vitamin C ay puwedeng mag-increase ng risk ng kidney stone 'pag sobra-sobra ang intake mo. Ang problema kasi sa Vitamin C, 'pag sobra ang inom mo, nagiging oxalate sa paglabas sa ating kidney, so puwede siya mag-form ng stone," sabi ni Hizon.
Inirekomenda ni Hizon ang pag-inom ng Vitamin C na nakukuha sa multivitamins at mga prutas, at huwag na itong sosobrahan.
Nakatutulong nga ba ang pag-inom ng maraming tubig para malinis ang toxins o dumi sa kidney?
"Hindi siya directly tama. Ang ginagawa kasi ng tubig ay, 'pag mas marami kang ininom na tubig na sobra sa kailangan ng katawan mo, iihiin mo ito, lalabas ito sa iyong kidney. Ngayon, 'pag maraming fluid ang lumalabas o dumadaan sa kidney, naiiwasan magbuo-buo ng mga crystal sa kidney natin. Not necessarily toxins lang, pati mga crystal. So more of the flow of urine. 'Yung dami ng dumadaan na tubig o fluid, 'yun 'yung nakakaiwas ng pagbuo ng kidney stone."
Hindi totoong hindi naiiwasan ang pagkakaroon ng kidney stone.
"Ang kidney disease ay naiiwasan. Kaya nga kaming mga doktor dito sa National Kidney and Transplant Institute, very, very vigilant kami sa pag-detect ng mga kidney disease na maaga pa lang, or very vigilant kami sa pagbigay ng abiso tungkol sa tamang diet, tamang pag-inom ng tubig, pag-alaga ng diabetes, pag-alaga ng high blood or hypertension para hindi ito makarating sa kidney disease," sabi ni Hizon. —VBL, GMA Integrated News