Nagbigay muli ng paalala ang Thailand nitong Huwebes kaugnay sa matinding init ng panahon na nararanasan sa kanilang bansa. Ngayong taon, umabot na umano sa 30 ang nasawi dahil sa heatstroke, na malapit nang maabot ang kabuuang bilang nasawi sa heatstroke noong 2023.
Sa ulat ng Agence France-Presse, nagbabala ang awtoridad sa Bangkok kaugnay sa heat index na posibleng umabot sa mahigit 52 degrees Celsius (125 degrees Fahrenheit).
Ang temperatura sa kabisera ng Thailand nitong Miyerkules, pumalo sa 40.1 C, na inaasahang mararamdaman pa rin ngayong Huwebes.
Dahil sa matinding mainit ng panahon sa ilang bahagi ng South at Southeast Asia ngayong linggo. Gaya sa Pilipinas na sinuspinde ang ilang face to face classes, habang nagdarasal na sa pag-ulan ang mga taga-Bangladesh.
Ang opisyal ng environment department ng Bangkok, nagbabala sa heat index nila o damang-init na "extremely dangerous."
Nagbabala rin sa matinding init ang mga awtoridad sa Udon Thani province ngayong Huwebes.
Nitong Miyerkules, inihayag ng kanilang health ministry na 30 katao na ang nasawi sa heatstroke mula Enero 1 hanggang Abril 17. Hindi na ito nalalayo sa 37 nasawi sa heatstroke sa buong 2023.
Sinabi sa AFP ni Direk Khampaen, deputy director-general ng Department of Disease Control ng Thailand, na inabisuhan nila ang mga nakatatanda nilang mga kababayan, at ang mga may underlying medical conditions, pati na ang mga obese na manatili sa indoor at regular na uminom ng tubig.
Ang Abril umano ang karaniwang pinakamainit na parte ng taon sa Thailand, pati na sa ibang bansa sa Southeast Asia. Pero ang init, pinatindi ng El Niño phenomenon.
Sa lalawigan ng Lampang sa Thailang, umabot umano ang temperatura sa 44.2 C, na malapit na sa 44.6 C na naitalang all-time national record noong 2023.
Ang katabi nitong bansa na Myanmar, umabot ang init sa 45.9 C nitong Miyerkules, na inaasahang mararamdaman pa rin sa Huwebes.
Sa Pilipinas, nagbabala ang PAGASA nitong Huwebes, na 30 lugar sa Pilipinas ang nasa "dangerous" heat index sa Biyernes.
Sa heat index forecast ng PAGASA, papalo umano sa 42°C hanggang 47°C ang temperatura sa mga sumusunod na lugar:
42°C
Science Garden, Quezon City
Tayabas City, Quezon
Virac (Synop), Catanduanes
Alabat, Quezon
Roxas City, Capiz
Malaybalay, Bukidnon
Cotabato City, Maguindanao del Norte
43°C
NAIA, Pasay City
Sinait, Ilocos Sur
MMSU, Batac, Ilocos Norte
ISU Echague, Isabela
Iba, Zambales
CLSU Muñoz, Nueva Ecija
Ambulong, Tanauan, Batangas
San Jose, Occidental Mindoro
Puerto Princesa, Palawan
CBSUA-Pili, Camarines Sur
Dumangas, Iloilo
La Granja, La Carlota, Negros Occidental
Dipolog, Zamboanga del Norte
44°C
Laoag City, Ilocos Norte
Tuguegarao City, Cagayan
Coron, Palawan
Legazpi City, Albay
45°C
Bacnotan, La Union
Cubi Point, Subic Bay, Olongapo City
Sangley Point, Cavite
46°C
Aparri, Cagayan
Aborlan, Palawan
47°C
Dagupan City, Pangasinan
May pinakamababang heat index prediction sa Baguio City, Benguet at BSU, La Trinidad, Benguet na 29°C. — ulat mula sa AFP/FRJ, GMA Integrated News