Timbog ang isang lalaki na kabilang sa most wanted list ng Metro Manila dahil sa panggagahasa umano sa menor de edad niyang pinsan noong 2022 sa Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, agad na sinilbihan ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD)-Station 11 ng arrest warrant ang lalaki pagkalapag ng kanyang eroplano sa paliparan.
Nahaharap ang suspek sa three counts ng statutory rape dahil sa panghahalay sa biktima.
Nangyari umano ang krimen sa bahay ng tinutuluyan niyang tiyahin noong nagtatrabaho siya sa Maynila.
Nakatanggap ng impormasyon ang MPD na nagtatago ang suspek sa Surigao, kaya gumawa raw ng mga hakbang ang pulisya para makabalik siya sa Maynila.
Kabilang na rito ang pagkuha ng informant na nagpanggap na nag-aalok ng trabaho sa akusado, na agad-agad namang bumalik sa lungsod dahil dito.
Sinabi naman ng lalaki na hindi siya nagtago, kaya nagulat na siya nang bigla siyang kasuhan ng pamilya ng biktima.
"Gusto naming pareho, sir. Sana mapatawad ako, hindi ko na kaya rito," saad ng suspek.
Samantala, isa pang lalaki ang dinakip din ng mga tauhan ng MPD-Station 11 dahil sa kasong rape.
Ayon sa pulisya, kabilang ang lalaki sa mga most wanted sa Sarangani Province.
Nagtrabaho ang akusado bilang driver sa isang establisyimento sa Binondo.
Depensa niya, may relasyon sila noon ng menor de edad na biktima. Nagbunga pa umano ito ng anak pero kalauna'y nasawi ang bata.
Nag-away umano sila ng kapatid ng biktima kaya't nauwi ito sa pagsampa ng reklamo laban sa kaniya. — VDV, GMA Integrated News