Naunsiyami ang promotion ng isang heneral sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Commission on Appointments (CA) makaraang harangin ito ng kaniyang estranged wife. Sumbong ng ginang, mayroon umanong kabit ang heneral, hindi nagbibigay ng sustento, at nananakit pa.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ipinagpaliban ng CA ang pagtalakay sa promotion ni Brigadier General Ranulfo Sevilla, Deputy Commander ng AFP-Special Operations Command.
Humarap sa pagdinig ng Committee on Nnational Defense ng CA ang asawa ni Sevilla at inilahad nito ang umanong pananakit ng heneral sa kanilang mag-iina. Hindi hindi nagbibigay ng sustento ang heneral para sa kanilang mga anak kahit may utos na korte.
"Matagal na kaming nagtitiis ng mga anak ko. Sustento two thousand pesos from an AFP? No amount of sorry, no amount of money will make me back down. We deserve to be vindicated," ayon sa ginang.
Patuloy din umano silang hina-harass ng kaniyang asawang heneral kaya nagtatago sila ngayon. Sinasaktan umano sila nito kaya humingi siya ng protection order sa korte.
Ang anak na babae ng ginang, sinuportahan ang alegasyon ng kaniyang ina kaugnay sa ginagawang pananakit sa kanila ng ama.
Maging sila raw na magkakapatid ay sinaktan din ng kanilang ama.
Inireklamo rin ng ginang ang kawalan umano ng aksyon ng pamunuan ng AFP tungkol sa kaniyang mga sumbong laban sa mister niyang heneral, na mayroon umanong kabit na nakatira sa kampo.
"Above the law po ba AFP [na] kahit may court order dahil nasa loob ng kampo? Iyan ba pinagmamalaki ng AFP? Pinapayagan nila [ang] kabit nakatira sa loob ng kampo, sa loob ng sarili naming bahay?," ayon sa ginang.
Dahil sa mga reklamo ng mag-iina, ipinagpaliban ng komite ang kompirmasyon sa promotion ni Sevilla habang pinag-aaralan ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, may mga promotion at confirmation ng mga opisyal na hindi inaprubahan ng CA dahil sa iba’t ibang reklamo gaya ng concubinage at sexual harassment.
"Hindi sapat ang performance record niyo bilang kawani ng gobyerno. Kailangan with good moral character kasi mabubusisi iyan lahat. At we feel if you want to be in government particularly in appointed position you should be of good moral character," anang senador.
Ayon sa ulat, tumangging magbigay ng pahayag si Sevilla kaugnay sa mga alegasyon ng kaniyang asawa. At hinihingan din ng pahayag ang pamunuan ng AFP. --FRJ, GMA Integrated News