Nagkasigawan sa labas ng dugout ng Mall of Asia Arena sina Calvin Abueva at ang asawa ni Mo Tautuaa. Nangyari ang insidente matapos ang Game 2 ng San Miguel at Magnolia sa PBA Commissioner's Cup nitong Linggo.

Nagwagi sa naturang laban ang koponan ni Tautuaa na San Miguel, 109-85 kontra sa koponan ni Abueva na Magnolia.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Lunes, sinabi ng asawa ni Tautuaa na si Aida, nginitian at tinawanan siya ni Abueva sa hallway.

Pero iginiit ni Abueva na wala siyang ginagawa.

ipinagtanggol din si Abueva ng kaniyang asawa, at sinabing hindi puwedeng bastusin ng katulad nilang mga asawa ang mga player.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag si Tautuaa at ang pamunuan ng PBA.

Sa ulat ng GMA Sports, sinabi ni Abueva na hinihintay niya ang kaniyang anak nang dumaan si Aida.

"Ewan ko sa kaniya. Dumaan siya dito (habang) hinihintay ko 'yung anak ko and then tinanong niya ako," pahayag ni Abueva sa media.

"Sino ka para i-smile ko 'yan, ha, sino 'yon, ha? Tapos nandiyan 'yung mga anak ko tapos nagga-ganyan siya? Dumaan ako nang maayos," dagdag niya.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot si Abueva sa insidente na sangkot ang asawa o partner ng isang manlalaro.

Noong 2019,  pinagmulta ng PBA si Abueva ng P20,000 dahil sa kinasangkutan nitong kontrobersya sa dating partner ni Ray Parks.

Nasuspindi rin si Abueva dahil sa naturang insidente, at nasundan pa ng isang pang insidente sa hiwalay na laro—FRJ, GMA Integrated News