Sa isang pagtitipon sa Zamboanga City nitong Martes, tinanong ng mga mamamahayag si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kung may pag-asa pa ba na maibaba sa P20 ang kilo ng bigas sa bansa na dati na niyang hinahangad.
Ayon sa pangulo, maaari pa itong mangyari kapag naging matatag na ang sektor ng agrikultura at ang gastusin sa produksyon ng produktong agrikultural.
“May chance lagi ‘yan. Kung maayos natin ang production natin at maging maayos, hindi na tayo masyadong bagyuhin at ‘yung mga tulong na ibinibigay natin sa mga farmer ay magamit na nila," paliwanag ni Marcos.
“Ngunit, kapag talaga nagawa natin ang cost of production binaba natin ay bababa rin ang presyo ng bigas. Bababa rin lahat. Basta’t mas mataas ang ani, kahit na puwede nating ipagpantay ang presyo,” dagdag pa ng pangulo.
Sa naturang pagtitipon sa nasabing lungsod, namahagi ng sako-sakong bigas si Marcos. Una rito, may nakumpiska kamakailan ang mga awtoridad ng mga ipinuslit na bigas na galing sa ibang bansa na umabot sa 42,000 sako.
Tiniyak ng pangulo na ginagawa ng gobyerno ang lahat para maisaayos ang sektor agrikultura.
"Alam niyo po ang inuna ko sa lahat nang ginagawa sa gobyerno ang agrikultura. Kaya ipagpatuloy natin na may sapat tayo na pagkain para sa buong Pilipinas. At bukod pa doon kailangan ay kayang bilhin at hindi masyadong mahal, kayang bilhin ng ating mga kababayan," ayon pa kay Marcos.
Sinabi rin ng pangulo na mahigpit na babantayan ng gobyerno ang pagpasok ng mga smuggled rice dahil nakaapekto ito sa suplay at presyo ng bigas sa bansa.
"Kailangan nating higpitan ang pagbabantay sa mga ilegal na imported o smuggled rice na bigas. Kasi ang nangyayari po itong smuggled na bigas, yung may-ari niyan hindi po nila ipagbibili yan. 'Mag-aantay 'yan, iipitin nila ang suplay hanggang tumaas ang presyo," paliwanag niya
Bukod sa Zamboanga City, namigay din ng bigas sa Sibuco sa Zamboanga del norte, at Tungawan sa Zamboanga Sibugay.
Kamakailan lang, naglabas ng Executive Order No. 39 si Marcos para maglagay ng price ceiling sa regular milled rice sa halagang P41 per kilo at P45 per kilo naman sa well-milled rice. —FRJ, GMA Integrated News.