Isang 15-anyos na lalaki ang nasawi matapos na madamay sa ginawang pamamaril umano ng pulis na nakasibilyan sa Rizal. Ang talagang pakay ng suspek, ang kapatid ng biktima.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si John Francis Ompad, residente ng Barangay San Isidro sa Rodriguez, Rizal.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nitong nakaraang Linggo ng hatinggabi nang parahin ng nakasibilyang pulis na si Police Corporal Arnulfo Gabriel Sabillo at isang Jeffrey Beluan Baguio, ang motorsiklo na minamaneho ni John Ace Ompad, 19-anyos, kapatid ng biktimang si John Francis.
Pero nauwi sa habulan ang paninita.
“Nagpakilala po na pulis. Mga lasing po kasi tapos naka-civilian kaya 'di ko talaga inisip na mga pulis. Iniisip ko lang po mga carnapper o hoholdapin po ako eh,” ayon kay John Ace.
Nang malapit na si John Ace sa kanilang bahay, napansin daw niya na may binubunot ang nakaangkas sa motorsiklo kaya binato niya ito ng helmet.
Natumba raw ang motorsiklo at kasunod nito ay nagpaputok na umano ang rider na nakilalang si Sabillo.
Sa apat na putok, hindi tinamaan si John Ace pero nahagip ang kapatid niyang si John Francis na lumabas noon ng bahay.
Nadala pa ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay.
“Bigyan sana ng hustisya yung anak ko. Hindi biro magpalaki eh. Iniingatan namin. kahit kagat ng lamok, hindi namin...barilin lang, pulis pa ang bumaril. 'Yun ang pangarap nya eh,” hinanakit ng amang si Napoleon Ompad.
Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng medical examination sa dalawang suspek para malaman kung nakainom sila nang mangyari ang insidente.
Pero malinaw umano na may nilabag na patakaran si Sabillo sa PNP Operational Procedures nang magsagawa ito ng “Oplan Sita” nang hindi nakauniporme, may kasamang sibilyan, at paggamit agad ng baril.
“Binato siya ng helmet, ang problema doon sinuklian niya ng pagputok. 'Yun ang mali doon dahil nagkakaroon ng excessive use of force,” sabi ni Rodriguez MP Chief Police Lieutenant Ruben Piquero.
Sinampahan na ng reklamong homicide at attempted homicide ang pulis at ang kaniyang kasama.
Mahaharap din sa kasong administratibo si Sabillo.
Napag-alaman na dati nang nasuspinde si Sabillo dahil sa reklamong pagpapaputok ng baril.
Hindi nagbigay ng pahayag ang pulis, pero ipinaliwanag daw nito kay Piquero na, “Ang sabi naman niya self-defense. Ang kwento don 'yung area napakadaming tao no'n. Madaming tao nag-iinuman. Sabi niya nagbigay siya ng warning shot.”
Limang kasamahang pulis din ni Sabillo ang inalis sa puwesto bilang bahagi ng imbestigasyon. --FRJ, GMA Integrated News