Sa pamamagitan ng kaniyang security agency, inilahad sa pulisya ng kontrobersiyal na security guard ang bersiyon niya ng kuwento kung papaano nalaglag mula sa footbridge na malapit sa isang mall sa Quezon City ang isang tuta na namatay matapos bumagsak sa semento.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing humarap na ang sekyu na si Jojo Malicdem sa Supervisory Office for Security and Investigation Agency (SOSIA) ng Philippine National Police.
Hindi umano nagpaunlak ng panayam sa harap ng camera si Malicdem pero nagsumite ito ng paliwanag sa SOSIA sa pamamagitan ng kaniyang pinagpasukang agency na RJC Corprate Security Services.
Batay sa dokumento na isinumute ng agency sa SOSIA, sinabing pinapaalis noon ni Malicdem ang limang vendor sa footbridge.
Pero tinutuya umano siya ng mga ito at may kumuha pa ng kaniyang ID. Isang babae umano ang may hawak ng tuta na inilalapit sa kaniyang mukha kaya niya ito natabig na dahilan para mahulog ang hayop mula sa footbridge.
"The guard sensing that he will be bitten by the puppy which might be infected with rabies, shoved his hand towards the puppy resulting to the fall of the puppy under the footbridge," saad sa dokumento.
Una rito, nagsampa ng reklamong paglabag sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act sa Quezon City Prosecutor’s Office ang Animal rights group na Philippine Animal Welfare Society (PAWS) laban kay Malicdem.
Bukod pa rito ang kaparehong reklamo na inihain din ng grupong Animal Kingdom Foundation.
Kung mapapatunayang nagkasama, maaaring makulong ang sekyu ng hanggang dalawang taon at multa na hanggang P100,000.
Tutulungan din umano ng Animal Kingdom Foundation ang mga bata na sampahan ng mas mabigat na reklamong child abuse si Malicdem.
Naunang lumabas sa mga ulat na kinuha umano ng sekyu ang tuta sa mga batang nakatambay sa footbridge at inihagis para takutin ang mga ito para umalis.
Plano naman ng SOSIA na isama sa training ng mga nais maging security guard ang tungkol sa pangangalaga sa mga hayop.--FRJ, GMA Integrated News