Kalunos-lunos ang kalagayan ng isang nasagip na Aspin, na natagpuang may pana sa hita at may tali ang ari sa Quezon City.
Sa ulat ni Katrina Son sa State of the Nation, makikita na payat, hindi makatayo at nanghihina ang aso.
Hanggang sa matagpuan ito ng rescuer na si Ernie Garcia sa harap ng gate ng isang subdivision.
“Awang awa talaga ako kasi stray siya eh, marami siyang galis, tapos wala siyang balahibo, tapos ‘yung tama ng pana, dito sa may hita. Lumalabas na ‘yung mga nana eh,” sabi ni Garcia.
Kaya dinala ito ni Garcia sa beterinaryo para matanggal ang pana.
Napag-alamang biktima rin ang aso ng inhumane castration o pagkapon, kung saan itinali ang pribadong parte nito nang mahigpit saka hinayaang mabulok at malaglag.
Pinangalanan ni Garcia ang aso bilang si “Miracle,” na nagpapagaling para rin matapos ang kaniyang operasyon.
Ayon naman sa nag-operang beterinarya na si Dr. Felisa Grace Maddumba, masuwerteng muscle lang ang tinamaan kay Miracle at maganda rin ang tugon nito sa mga gamot.
Kinakailangan na lamang nito ng daily wound dressing para matanggal ang pus. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News