Naipit ang kanang binti ng isang babaeng commuter matapos mahulog sa isang siwang sa Aurora Boulevard sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa “24 Oras,” nag-aabang lang ng masasakyan si “Yanna” nang biglang may lumikong UV Express. Umiwas daw siya at doon lumusot ang kaniyang binti.
“Medyo alanganin po ‘yung liko ng UV, so umatras po ako. Sakto, pagatras ko, ‘di ko po alam na may butas na drainage doon. Lumusot po ‘yung paa ko, and then parang nag-twist ako kaya po lumubog ako totally sa drainage,” kuwento niya.
Ilang beses din niyang sinubukang umahon at may nag-abot pa ng tulong sa kanya, pero matindi umano ang pagkakaipit ng kanyang binti.
Pasado alas otso ng gabi dumating ang Quezon City District Risk Reduction Management Office (QC-DRRMO) Search and Rescue, at doon lamang siya naialis sa pagkakaipit.
Ayon kay Dale Perral ng Quezon City Engineering Office, delikado ang ganitong butas sa kalsada.
“Dapat ito nakasara, unsafe ‘yan for the pedestrians. While it is in Quezon City, ‘yung authority po to maintain and to improve that national road is with the Department of Public Works and Highways. So we will be coordinating with them, and ask them. Baka naman kasi may ongoing maintenance works sa lugar na ‘yan. Unfortunately, hindi nila nalagyan ng harang,” ani Perral.
Sa paliwanag ng DPWH, maaari raw na nasira ang bahagi ng kalsada sa dami ng mga sasakyang dumadaan doon.
Samantala, kinumpuni na ng ahensya ang siwang para maiwasan ang disgrasya sa lugar at nanghingi rin sila ng paumanhin kay Yanna, at sinabing handa raw silang mag-abot ng tulong.
Hindi naman nagtamo ng seryosong pinsala si Yanna, pero nakiusap siya na kung may aayusin sa kalsada, siguruhin na maayos ang pagkakagawa at mayroong maintenance.—Sherylin Untalan/LDF, GMA Integrated News