Arestado ang isang lalaking naaktuhang nagnanakaw sa isang gasolinahan sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Kinilala ang suspek na si Fredie Dinopol, na nagtatrabaho bilang foreman sa nire-renovate na convenience store sa nasabing gasolinahan.
Isang empleyado ng gasolinahan ang nakakita sa suspek habang isinasagawa ang krimen.
Aabot naman sa P774,000 ang perang muntik nang makulimbat ni Denopol, na agad namang naaresto ng mga pulis.
Ayon kay Police Captain Jeff Tuyo, deputy station commander ng Novaliches Police, halos isang buwan nang nagtatrabaho sa lugar ang suspek.
Aminado naman si Dinopol sa nagawa. Aniya, kailangan niya ng P6,000 para pambayad sa utang.
"Hindi ko napigilan sarili ko kasi nakainom po ako kaya nung time na ano, 'di ko alam na nagawa ko po," ani Dinopol.
Dagdag pa niya, may problema rin daw siya sa pamilya.
Nahaharap si Dinopol sa reklamong robbery. —KBK, GMA Integrated News