Bilang tulong sa mahal na bilihin, makatatanggap umano ng P50,000 na "inflationary allowance" ang mga kawani ng Senado. Ang isang labor group, napa-"sana all" na magkaroon din ng tulong sa mga minimum wage earner.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing ang naturang allowance ay mas malaki kumpara sa P12,200 na natanggap ng mga kawani ng Senado noong 2022.
Ayon umano kay Senate Presidente Juan Miguel Zubiri, ang naturang allowance na matatanggap ng mga kawani sa Agosto ay pangtulong dahil sa mahal na mga bilihin at serbisyo.
Dahil dito, umaasa ang Trade Union Congress of the Philippines (TCUP) na mabigyan din ng katulad na tulong ang mga minimum wage earner sa paraan ng emergency cost of living allowance (E-COLA).
“Kung hindi manggagaling sa pamahalaan, tingnan yung posibilidad na manggaling sa employers pero bigyan ng counterpart na tax deductions sila based sa ibinigay na cost of living allowance,” mungkahi ni TUCP Vice President - Labor Center Louie Corral.
Nitong nakaraang December 2022, nagsumite ang Kapatiran ng mga Unyon at Samahang Manggagawa ng petisyon sa National Capital Region Tripartite Wages and Productivity Board para hilingin ang P100 across-the-board wage increase.
Naniniwala ang grupo na makatutulong ito nang malaki sa mga manggagawa kaysa magbigay ng allowance.
“Sa amin kasi ang hinihiling namin ay recovery lang. Ibig sabihin para makaagapay lang. Kung ganyan ang hinihiling naman nila, ok naman kaya lang hindi naman ito pangmatagalan eh...parang band aid solution lang ang gusto nilang mangyari,” paliwanag ni Kapatiran Chairperson Reynaldo Almendras.
Ayon kay Almendras, sinabihan sila ng wage board na nasa paraan pa lang sila ng konsultasyon.
Inihayag naman ng Labor Department na pinoproseso na nila ang petisyon na isinumite sa wage board.
“Motu proprio, puwede pong tingnan kung ano ang puwedeng ipagkaloob na tulong o hakbangin na puwedeng gawin ng Department of Labor and Employment para matugunan ang mga pangangailangan ng manggagawa subalit kinakailangan ding isaalang-alang ang interes ng mga namumuhunan,” ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
“Alam naman nating itong mga micro and small enterprises, malaking pinsala ang naidulot sa kanila ng pandemya at hanggang ngayon ay officially nariyan pa,” paliwanag niya.
Sinabi pa ni Laguesma na hindi bingi ang pamahalaan sa karaingan ng mga manggagawa pero kailangan umanong balansehin ang interes ng mga employee at employers. -- FRJ, GMA Integrated News