Sinira ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Sabado ang daan-daang ilegal at mapanganib na paputok na kanilang nakumpiska para sa isang ligtas na pagsalubong sa 2023.

Pinangunahan ni QCPD Director Police Brigadier General Nicolas Torre III ang seremonyal na pagsisira ng mga paputok sa kanilang headquarters sa Camp Karingal, ayon sa Dobol B TV report ni Mark Makalalad.

 

 

Kasama sa mga nakumpiskang paputok ang mga walang permit at mga delikado, na nagkakahalaga ng mahigit P500,000.

"Hindi naman lahat 'yan actually illegal per se na paputok dahil may legal naman diyan. The problem is ang nagbebenta walang mga permit. So to protect the interest of the majority, kailangan nating i-interdict ang mga ganiyang aktibidades. So hinuli natin at kinumpiska ang kanilang mga paninda. Wala silang safety regulations, wala lahat compliance sa mga regulasyones na itinatakda para sa safety and security ng nakararami," sabi ni Torre.

Sinunog ang mga paputok sa isang malalim na hukay sa kampo ng pulisya sa Camp Karingal.

 

 

— DVM, GMA Integrated News