Hindi lapis o tinta, kundi usok ng kandila ang matiyaga at kamangha-manghang ginagamit ng isang lalaki para makalikha ng fumage art sa Pulilan, Bulacan.

Sa #KuyaKimAnoNa ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagpapakapuyat ang architecture student na si Mejeyd Tribo para hasain ang kaniyang galing sa fumage art.

Nagsimula ito nang may mapanood si Tribo na isang foreign artist na gumagamit ng usok ng kandila sa pagguhit.

"Ang ginagawa ko po dati, 'yung mga charcoal. Noong nakita ko po na puwede pala 'yung gamit ang usok ng kandila, na-amazed po ako," sabi ni Tribo.

Hindi biro ang paggawa ng fumage art dahil bukod sa ibayong pag-iingat ang kailangan sa paggamit ng apoy, wala na rin itong burahan.

"Kapag nagkamali ka, hindi mo na puwedeng kapalan," sabi ni Tribo.

Ilan na sa kaniyang mga obra ang karakter ni Jenna Ortega na si Wednesday Addams, Bella Poarch at si Yeji ng Itzy.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News