Arestado ang dalawang lalaki sa Caloocan City matapos silang mahulihan ng iligal na armas. Ang isa sa kanila, pulis pa umano na nakatalaga sa Quezon City Police District.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB, sinabing hinuli ng mga tauhan ng Northern Police District sila Police Staff Sergeant Gideon Geronga Jr. at si Ulrik Waldemar sa Barangay 176, Bagong Silang.
Isang concerned citizen ang lumapit sa mobile patrol ng mga pulis at sinabing may dalang baril ang mga suspek na nasa Phase 7 sa nasabing lugar, ayon sa Northern Police District.
Nang puntahan nila ang lugar, dito na nakita si Geronga at Waldemar na nag-aabutan ng baril.
Paglapit ng mga awtoridad, biglang nagtakbuhan ang mga suspek pero agad din naman silang nahuli.
Pulis at isa pang tao, arestado matapos mahulihan ng iligal na armas sa Brgy 176, Bagong Silang, Caloocan City. | via @jhomer_apresto pic.twitter.com/YEXHh3xHEc
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 6, 2022
Dito nabatid na ang nag-abot ng baril ay si Geronga na nakatalaga sa QCPD Station 16.
Sa ngayon, hindi pa malinaw ang dahilan kung bakit nag-abot ng baril si Geronga na may kasama pang tatlong magazine at mahigit 20 piraso ng bala.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga naarestong suspek. —Mel Matthew Doctor/LBG, GMA Integrated News