Isang grupo na sangkot umano sa "kidnap for retoke" activity, at mga dayuhan ang binibiktima para hingan ng ransom ang pinuntirya ng mga kapulisan. Ang mga kasama raw sa grupo, mga miyembro ng LGBTQ+ community.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inihayag ng kapulisan na naaresto nila ang ilang miyembro ng grupo makaraang magsumbong ang pinakahuling nabiktima ng Warla Gang, na isang Taiwanese.
Lumilitaw sa imbestigasyon na taong 2018 pa nag-o-operate ang grupo na pinamumunuan ng isang "Mikee."
Tinatayang nasa 11 umano ang kasapi ng grupo, at umabot na sa 14 na dayuhan ang kanilang nabiktima.
Ang perang nakukuha umano ng grupo mula sa kanilang mga nabiktima, ginagastos daw sa sex reassignment surgery o pagpapaopera para mabago ang maselang bahagi ng kanilang katawan.
Paano nga ba nag-o-operate ang grupo? Alamin sa mismong pag-amin ng mga nahuling miyembro nito. Panoorin.--FRJ, GMA News