Kahit nagluwag na noong Pebrero sa COVID-19 restrictions at mas maraming negosyo ang muling nagbukas, tumaas pa rin ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa virtual press conference nitong Huwebes, sinabi ni PSA chief and National Statistician Claire Dennis Mapa, na ang unemployed adults noong Pebrero ay nasa 3.13 milyon, o 6.4% unemployment rate.
Mas mataas ito sa 2.93 milyon na walang trabaho noong Enero, na nasa 6.4% pa rin— ang pinakamababa mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic lockdowns noong April 2020.
Umabot umano sa 17.6% o 7.3 milyon ang mga walang trabaho noong panahon ng lockdown na itinuturing na all-time high unemployment rate.
Ang 3.13 milyon Pinoy na walang trabaho nitong nagdaang Pebrero ay mas mababa naman kumpara sa naitalang 4.19 million unemployed noong February 2021.
Ayon kay Mapa, mas dumami ang mga naghanap ng trabaho noong Pebrero nang ibaba sa Alert Level 2 ang pandemic restrictions. Mula sa 60.5% na mga aktibong naghanap ng trabaho noong Enero, tumaas ito sa 63.8% noong Pebrero.
“We can surmise that the opening of the economy, the easing of restrictions encouraged ang ating mga kababayan na maghanap ng trabaho,” ani Mapa.
“Marami ang naghahanap ng trabaho pero hindi sila nakakuha ng trabaho na gusto nila,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Mapa na bumaba na sa 385,000 nitong Pebrero mula sa 813,000 noong Enero, ang mga nagsabing nawalan sila ng trabaho dahil sa mobility restrictions.
Kahit dumami ang walang trabaho, lumilitaw din na nadagdagan naman ang mga nagkaroon ng trabaho nitong Pebrero.
Mula sa 43.02 milyon noong Enero, tumaas ito sa 45.48 milyon noong Pebrero.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na bumuti rin umano ang kalidad ng mga trabaho na makikita sa pagkabawas ng underemployment rate sa 14% mula sa dating 14.9%.
“As we contained the spread of the Omicron variant and ramped up the vaccination program, we were able to revert to Alert Level 2 in the National Capital Region and other economic centers starting February 2022. This allowed more Filipinos to rejoin the labor force,” ayon kay NEDA chief and Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua.
--FRJ, GMA News