Nagpositibo sa COVID-19 ang isang ina na hindi nakatiis na bantayaan at alagaan ang mga anak niyang nagpositibo rin sa sakit matapos mangaroling noong Pasko.
Ayon sa ulat ni Mav Gonzales sa 24 Oras nitong Lunes, limang tao ang nagpositibo sa COVID-19 sa tahanan ng pamilya Florentino noong Pasko.
Ayon sa ina, unang tinamaan ng COVID-19 ang 11-anyos niyang panganay.
"Most likely nakuha niya 'yon noong minsang nangaroling sa labas kasama 'yung mga kaibigan. Umuwi po 'yung mga anak ko na para siyang nilalagnat. Sabi niya sa akin medyo sumasakit 'yung lalamunan niya," anang ina.
Sunod na nilagnat ang 3-anyos niyang anak.
Nang ipa-swab test ang magkapatid, nakumpirmang positibo sila sa COVID-19.
Sunod nang nagka-COVID-19 ang ina, ang bunsong 1-anyos, at yaya ng mga bata.
Sa kabutihang palad, fully vaccinated ang mga matatanda sa bahay kaya mild lang ang kanilang naging sintomas. Bakunado naman laban sa flu at pneumonia ang mga bata.
"'Yung mga pasiyente ko nakita ko sila gaano sila naghirap, mga talagang nahihirapang huminga. And ako talagang naka-full gear," sabi ng ina.
"But this time around kaya ako nahawa is because hindi ako nakasunod maigi sa protocol. Kasi alam kong kailangan ng mga anak ko ng yakap, ng halik especially nu'ng mga time na umiiyak sila. Hindi sila umaalis sa tabi ko," dagdag pa niya.
Nagsisimula nang muling magpositibo sa COVID-19 ang mga pami-pamilya sa San Isidro, ParaƱaque City.
Naitala ang 29 na kaso matapos ang Pasko mula sa halos isang linggong zero cases. May edad 11 pababa ang 12 sa mga kasong ito.
Isinailalim sa Alert Level 3 ang Metro Manila hanggang Enero 15, 2022 mula sa Alert Level 2 matapos ang mga naitalang pagtaas ng COVID-19 cases sa rehiyon. --Jamil Santos/KBK, GMA News