Dahil limitado ang transportasyon sa Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine (GCQ), hatinggabi pa lang ay naglakad na ang isang manggagawa para lang makapasok sa trabaho kinaumagahan.
Ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes, pasado 12:00 nang magsimulang maglakad si Leonel Antones, 36, isang construction worker.
Taga-Bacoor, Cavite si Leonel at papunta siya sa kaniyang trabaho sa Makati City. Nang makapanayam siya ng GMA News, sinabi niyang dalawang oras na siyang naglalakad.
Ayon kay Leonel, nakatakda silang sumailalim sa rapid test para sa COVID-19 Martes ng umaga bago makabalik sa trabaho.
"Magpapahatid sana ako kaya lang bawal ang angkas kaya naglakad na lang ako," ani Leonel.
Hindi raw alintana ni Leonel ang panganib sa mga madidilim na kalsadang kaniyang dinadaanan. "Wala naman silang makukuha sa akin," aniya.
Daing ni Leonel, sana raw pinag-isipan ng mabuti ng pamahalaan ang sistema ng transportasyon bago nito pinayagang magbukas ang mga negosyo at trabaho sa ilalim ng GCQ.
"Kawawa naman yung mga taong nahihirapang maglakad sa kagustuhan na makapasok [sa trabaho]," aniya. --KBK, GMA News