Kung ang isang grupo ng mga mananaliksik ng University of the Philippines ang masusunod, nais nitong manatili pa sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at iba pang high-risk areas sa COVID-19. Paliwanag nila, mayroon pang mahigit 7,000 katao na nagpositibo sa virus ang hindi naiiulat ng Department of Health.
"We recommend that the national government continue the MECQ in the NCR and consider the same in other high-risk areas," ayon kay UP Diliman Political Science Department Assistant Professor Ranjit Rye, miyembro ng grupo.
"The reproduction number of NCR, which is oscillating at around 1.0 rather than showing a discernible decrease, is a sign that it might be premature to relax the MECQ to GCQ (general community quarantine)," dagdag niya.
Sinabi pa ni Rye na, "Given that the data received from DOH appears to have a lag, NCR remains a high-risk category."
Nitong Martes, inihayag ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang pagsang-ayon na ilipat na sa GCQ mula sa MECQ ang kamaynilaan simula sa Hunyo 1.
Ang paglalagay sa GCQ ng mga lugar na MECQ ay pagpapasyahan ng COVID-19 Inter-Agency Task Force.
Ayon kay Rye, natuklasan nila na mayroon pang 7,119 katao sa buong bansa na nagpositibo sa COVID-19. Batay umano ito sa ulat ng 36 testing centers pero hindi pa nakakasama sa official count ng DOH.
Lumilitaw din sa pag-aaral ng grupo na wala raw pagbabago sa week-to-week number ng bagong COVID-19 cases sa NCR sa unang 10 araw nang implementasyon ng MECQ--mula Mayo 16 hanggang 25, batay sa datos ng DOH.
Ang average number umano ng mga bagong COVID-19 cases sa NCR sa naturang panahon ay higit sa lima sa bawat araw, sa bawat isang milyon ng populasyon.
Ang Makati, Las Piñas at Pasay ang mayroon umanong pinakamalaking week-to-week increase sa bagong COVID-19 cases, na batay sa pag-aaral ay tumaas ng 170%, 60% at 58%, ayon sa pagkakasunod kumpara sa nagdaang linggo.
Napansin din umano sa pag-aaral ng UP research team ang pagtaas ng mga bagong COVID-19 cases sa Manila, Taguig, Muntinlupa, Caloocan at Pateros.
"While such increases cannot be attributed to MECQ at this time, there remains the possibility that a transition from MECQ to GCQ could exacerbate the increase in new Covid-19 cases in these LGUs further undermining the government’s efforts to control the transmission of COVID-19," paalala ni Rye.
Batay sa rekomendasyon ng mga alkalde ng Metro Manila, papayagan nang mag-operate sa hanggang 75 percent ng work force ang isang kompanya kapag natuloy na isailalim sa GCQ ang NCR.
COVID-19 cases, higit 15,000 na
Nitong Miyerkules, iniulat ng DOH na 380 ang nadagdag na bilang sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa, para sa kabuuang 15,049 na kaso.
Nadagdagan naman ng 94 ang mga gumaling para sa kabuuang 3,506, habang 904 naman ang mga nasawing pasyente matapos madagdagan ng 18.--FRJ, GMA News