Arestado sa loob ng La Loma Cemetery ang isang 60-anyos na lalaki matapos ang pitong taong pagtatago dahil sa kasong rape sa isang menor de edad sa Barangay Obrero, Tondo.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad ng Manila Police District Station 7 na pitong taon nilang pinaghahanap ang suspek sa panggagahasa sa noo'y isang menor de edad na kinakasama ng kanyang stepson.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng mga pulis na dating tanod ang suspek sa Barangay Obrero, at nagtago ito ng mahabang panahon matapos ang krimen.
"Umuwi ng probinsya ang suspek matapos ang krimen, tapos bumalik ng Maynila sa pag-aakalang tapos na ang kanyang kaso, pahayag ni Police Major Salvador Tangdo, deputy commander ng MPD 7.
Sa mahaba umanong panahon ay tinugis ng MPD 7 ang suspek na tinagurian pa nilang isa sa mga most wanted.
Naaresto ang suspek nitong Miyerkules ng gabi.
Nahaharap sa ilang mga kaso ang 60-anyos na suspek, kabilang na ang kasong panggagahasa. —LBG, GMA News