Dalawa ang patay habang 15 ang sugatan matapos sumalpok ang isang jeep sa dump truck sa Marcos Highway, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes.

Nayupi ang harapan ng jeep matapos sumalpok sa likuran ng isang nakahintong dump truck  bago maghatinggabi nitong Miyerkoles.

Dalawa ang nasawi habang hindi bababa sa 15 ang sugatan. Marami sa kanila ang isinugod sa ospital habang ang iba naman binigyan ng paunang lunas on the spot.

Sugatan din ang driver ng jeep na si Jay-R Gangan na sinubukan pang tumakas sa aksidente pero  nahabol siya ng mga tanod. Aniya, umiwas lang siya sa kotse na nasa gilid ng nakaparadang truck.

Depensa naman ng truck driver na si Crisanto Fajanilan, may road emergency siya kaya napahinto sa kalsada.

Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang parehong driver habang inaaalam ang pananagutan nila sa aksidente. —KBK, GMA News