Isang 23-anyos na Taiwanese na pinagtatrabaho raw sa isang kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), ang idinetine at pinagsamantalahan pa ng kaniyang among Chinese. Ipinagmamalaki raw ng kaniyang amo na may malakas itong "protektor" na nasa gobyerno.
Si Lai Yu Cian o Ivy ay iniharap sa media ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules para hilingin sa kapulungan na imbestigahan ang mga iligal na gawaing nagaganap sa POGO tulad ng human trafficking.
“Maraming krimen ang nakatali sa POGO: illegal recruitment, illegal detention, at sexual harassment. Kailangang matigil na ang mga ito,” anang senador.
Ayon kay Ivy, pangakong trabaho tungkol sa advertising ang sinabi sa kaniya pero kinalaunan ay natuklasan niyang POGO ang kaniyang napasukan.
“I already told them (employers) I want to go home. I want to go back to Taiwan. But they forced me to work for them,” ayon sa biktima.
“They always say that they have a protector behind them who is government people,” dagdag niya.
Inabuso rin daw siya ng kaniyang amo.
Sinabi pa ni Ivy na pinagbantaan siya ng kaniyang amo na papatayin kapag nagsumbong sa National Bureau of Investigation. Gayunman, dumulog pa rin sa ahensiya ang biktima.
Ang anti-crime advocate na si Teresita Ang See, sinabing hindi isolated case ang nangyari kay Ivy.
Ayon kay See, may isang babaeng Chinese ang humingi rin ng tulong sa kanila. Ang biktima, pinagtrabaho rin sa POGO na palihim na nagsasagawa ng cyber fraud operations.
“She was given a script on how to defraud people…They were given a script on how to entice people to invest,” sabi ni See sa naturang pulong balitaan.
Nitong Martes, nanawagan si Senate Labor commitee chairman Joel Villanueva na suspindihin ang operasyon ng mga POGO sa bansa dahil sa alegasyon na hindi ito nagbabayad ng tamang buwis at may mga empleyado na sangkot din sa krimen.—FRJ, GMA News