Tinatayang 600 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa Baseco Compound sa Maynila nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing aabot sa 300 na mga bahay ang mabilis na nilamon ng apoy dahil karamihan sa mga ito ay gawa sa light materials.

"Matutulog na sana kami, tapos ayun, nagkasunog na. Paglabas namin ang laki na ng apoy at hindi na kinaya," pahayag ng apektadong residente na si Rowena Alvarez.

Sumiklab ang apoy pasado alas-onse ng gabi, at naapula ito pasado alas-dos ng umaga nitong Miyerkules, ayon sa mga fire official.

Nagsimula umano ang sunog sa ikalawang palapag ng isang bahay pero inaalam pa ang sanhin nito.

Sa pagtataya ng Bureau of Fire Protection, aabot 600 pamilya ang apektado ng sunog, at aabot umano sa P2,000,000 ang pinsala nito. —LBG, GMA News