Isang mallgoer ang nabiktima ng budol-budol sa loob ng isang mall sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Sa unang tingin, aakalaing tunay na ginto ang mga alahas — kwintas, dalawang bracelet at tatlong singsing — na dala ng mga suspek.

Inalok ang mga ito ng maghipag na Shirley Ferrer at Melinda Hetiroza at kagrupo nilang si Rochelle Aduna sa isang mallgoer sa Brgy. Batasan Hills.

Kuwento ng biktima, pumunta siya sa mall para may bilhin at paglabas niya ng CR ay sinundan siya ng tatlong suspek. Si Aduna raw ang unang lumapit habang ang dalawa pa ay nagkunwaring bumibili rin ng alahas.

Dadgag ng biktima, P30,000 ang alok sa kanya para sa lahat ng alahas na ang tunay daw na halaga ay P156,000.

Agad na nag-withdraw ng pera ang biktima. Nang magkaabutan na ng pera at mga alahas, hinuli na ng mga civilian security guard ng mall ang mga suspek.

Napansin na pala ng mga guard na nagpapaikot-ikot ang mga suspect na tila naghahanap ng bibiktimahin.

Umamin si Ferrer na peke ang mga alahas na binibili daw nila sa bangketa. Wala namang pahayag si hetiroza.

Mahaharap ang tatlo sa kasong swindling.

Nananawagan naman ang Batasan Police na makipag-ugnayan sa kanila ang mga posiblengng nabiktima rin ng mga suspek. —KBK, GMA News