Inilabas na ang kauna-unahang 2D computer fighting game na gawang Pinoy na "Bayani," kung saan karakter ang mga bayani ng Pilipinas at mga makasaysayang lugar ang arena.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras," sinabing ang mga kilalang personalidad ng Pilipinas ang inspirasyon kung bakit makabayan ang tema ng fighting game.
Ang karakter ni Joe ay base kay Jose Rizal; si Dre ay kay Andres Bonifacio; si Oria ay hango kay Gregoria de Jesus na asawa ni Bonifacio; Si Tonio ay si Heneral Antonio Luna; si Rio ay halaw kay Apolinario Mabini; si Leon ay base kay Emilio Aguinaldo; si Lolang Tsora ay kay Tandang Sora; at si Fernando ay halaw kay Ferdinand Magellan.
"Para hindi mapag-iwanan, kumbaga hindi nila malimutan ang history natin is to ibigay sa kanila ang information through another medium, and this game is one of those medium," sabi ni Ben Joseph Banta, CEO ng Ranida Games.
At tulad ng mga karakter si fighting games, may kaniya-kaniya ring espesyal na kapangyarihan ang mga karakter sa Bayani.
Isang fencer at mga libro ang special powers ni Joe na gaya ni Rizal.
Si Tonio naman, lakas ng katawan ang kapangyarihan samantalang si Leon ay may kamay na bakal na nagta-transform sa baril o espada.
Mahika ang kapangyarihan ni Lolang Tsora.
Inspired ng mga kilalang lugar sa Pilipinas ang kanilang fighting arena tulad ng Luneta, Vigan at Aguinaldo Shrine.
Orihinal na komposisyong Pinoy din ang musika ng laro.
"May capability na tayong mag-develop. Since kaya na nating gumawa, siguro time na para i-appreciate na rin natin ang sarili nating produkto, sarili nating game," ayon pa kay Banta.
Isa ang Bayani sa mga napiling kinatawan noong Oktubre sa IndieCade International Festival of Independent Games sa Sta. Monica, California.
Nag-second place naman ang Bayani noong Nobyembre sa kategoryang PC Indie Pitch sa G-STAR sa Busan, South Korea, isang annual trade show para sa computer and video games industry.
May demo version ang Bayani na mada-download sa www.bayaniph.com.
Mada-download na sa Hunyo 12 o Araw ng Kalayaan ang early access version nito.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News