Ilang tao ang nasaktan matapos biglang umarangkada ang isang AUV at araruhin ang ilang vendor at mga sasakyan sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City nang biglang umarangkada.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, makikita ang AUV na dahan-dahan munang umusad bago umarangkada nang todo at tinamaan ang ilang nagtitinda sa gilid ng kalsada at tricycle.

Nang lumusot ang AUV sa kabilang kalye, sinuyod naman nito ang isang dumadaang motorsiklo at isa pang kotse. May nahagip na naman siyang tricycle nang biglang umatras.

Kaagad namang naisugod sa ospital ang mga sugatan. Sa kabutihang-palad, wala namang nagtamo nang malubhang pinsala.

Sinagot din umano ng driver ng AUV ang mga gastusin sa pagpapagamot ng mga nasaktan pati na mga pinsala sa nangyaring insidente.

Ayon sa kapitan ng barangay na si Banjo Pilar, lumilitw na hindi pa umano masyadong marunong magmaneho ang driver ng AUV.  Gayunman, naman daw itong lisensiya.

Payo niya sa mga motorista, maging alerto at mag-ingat sa pagmamaneho upang hindi makadisgrasya.--FRJ, GMA News