Patay ang isang magbalae matapos silang tumagay ng lambanog sa matapos ang isang kasalan sa Pandi, Bulacan.
Ang kanilang pinagbilhan ng alak na uminom rin ang tindang lambanog upang patunayang ligtas ito ay nasawi rin.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Rodrigo Beltran at Jerry Tumbaga, at ang tinderong si Armado Pineda.
Bago nito, sinabing dumalo muna ng kasal sina Beltran at Tumbaga.
Inakala ng misis ni Tumbaga na may hangover lang lang ang kaniyang mister, ngunit unti-unti na pala itong nalalason.
"Nalaman namin na patay na si Beltran, kaya nag-panic po siya, parang nanghina siya," sabi ng asawa ni Tumbaga.
"Nu'ng sumakit na 'yung dibdib niya, dumilim na 'yung paningin niya, dinala namin sa center, ngayon medyo lumala na. Pagdating sa ospital, du'n na siya namatay," sabi ng isa pang kamag-anak ni Tumbaga.
Tinangka namang patunayan ni Pineda na walang lason ang binibenta niyang lambanog kaya ininom din niya ito, ngunit maging siya ay hindi nakaligtas.
Kinuha ng mga awtoridad ang container ng lambanog para sa pagsusuri.
Sinabing nasa 20 na ang mga taong nasawi dahil sa pag-inom ng lambanog, kung saan anim ang patay sa barangay Sucol sa Calamba, Laguna.
Lima ang patay sa Quezon City, pito sa Calamba at lima sa Santa Rosa, Laguna. Bukod dito, 87 katao pa ang patuloy na sinusuri ng mga awtoridad.
Ang karamihan sa mga nakainom ng lambanog, nakaranas ng pananakit ng tiyan at panlalabo ng mata.
"Bigla akong, para akong nalulula, tapos naglalaway. Bigla na lang akong nagsuka," sabi ng isang nakainom ng lambanog.
Nagsagawa na rin ng inspeksyon ang Food and Drug Administration sa mga bilihan ng lambanog at kinumpiska ang mga binibentang inumin na walang selyo ng kanilang ahensya noong isang linggo.
Kinumpiska naman ng PNP ang isang brand ng lambanog sa lahat ng pamilihan.
Pansamantalang ipinagbawal ng City Health Office ng Calamba ang pagbebenta ng ano mang uri ng lambanog. —NB, GMA News