Natimbog sa Quezon City noong Miyerkoles ng hapon ang isang suspek sa panggagahasa ng 12-anyos na babae sa lalawigan ng Abra.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa Balitanghali, kinilala ang suspek na si Junnel Domingo na nahuli sa kaniyang pinagtataguang bahay sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Bitbit ang warrant of arrest, nahuli si Domingo ng mga pulis-Quezon City.

Todo tanggi naman si Domingo sa rape case na isinampa laban sa kanya noon pang Disyembre 2011.

Aniya, dahil wala umano siyang pera, hindi na siya sumipot sa pagdinig ng kaniyang kaso at umalis na siya sa Bayan ng San Juan, Abra.

Napag-alaman ng mga pulis na top-2 most wanted si Dominggo sa bayan ng San Juan.

Inaasikaso na ng mga pulis ang pagpabalik kay Domingo sa Abra upang harapin ang kaniyang mga kaso. —LBG, GMA News