Kahit pasok sa 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, naniniwala ang isang mangingisda na pumapalaot sa Scarborough Shoal na ang China pa rin ang may kontrol sa lugar.
"Sa tingin ko Tsina pa rin [ang may kontrol] pero dahil sa magandang ano ng Pilipinas at China ngayon, pinapayagan tayo [mangisda doon]. Yung patuloy na pagkakaibigan ng China at Pilipinas, pinapayagan ang Pilipino na mangisda diyan," sabi ni Rommel Sihuela sa press briefing na ginawa sa Malacañang nitong Lunes.
Kabilang si Sihuela sa mga mangingisdang Pinoy na ang mga huling isda ay kinukuha umano ng ilang tauhan ng Chinese Coast Guard.
Bagaman pinapayagan na sila ng China na mangisda sa Scarborough, hiniling niya sa pamahalaan na limitahan ang ginagawang pagkontrol doon ng China.
Iniharap ni presidential spokesperson Harry Roque ang tatlong mangingisda na naging kliyente umano niya noong 2015 at nagsampa ng reklamo laban sa China.
Bagaman wala umanong panggugulo na ginagawa sa kanila ang mga tauhan ng Coast Guard, wala naman silang magawa kapag sumampa na ang mga ito sa kanilang bangka para mamili at manguha ng kanilang huling isda.
Kadalasang umano na ang mga magaganda o mas mahal na uri ng isda ang kinukuha ng mga dayuhan.
Sa nakaraang episode ng "Reporters Notebook," nakita ang pagtatanong ng ilang tauhan ng Chinese Coast Guard tungkol sa huling isda. Pero dahil kadarating lang sa lugar, wala silang naibigay na isda.
Pero sa isang video na kuha ng mangingisda noong Mayo, makikita ang pamimili ng mga dayuhan at pagkuha sa huling isda ng mga Pinoy.
Isa pang mangingisda ang umiiyak na nagkuwento sa isang insidente kung saan kinuha umano ng Chinese Coast Guard ang gamit nila sa pangingisda kaya umuwi silang walang dalang isda.
Ayon kay Sihuela, ngayon ay pinapayagan na silang mapangisda kumpara noong 2013 na pinagbabawalan sila ng Chinese Coast Guard na makalapit sa lugar kung saan may nahuhuling mga isda.
"Simula nung hindi nagkaintindihan 'yung gobyerno natin, hinaharang na kami hanggang tuluyang di na kami nakakapunta. Babalik na lang tapos hanggang dito na lang sa bandang gilid mangingisda para lang 'di kami uuwi nang lugi," kuwento niya.
Sinabi ni Roque na napayagan ang mga mangingisdang Pinoy na mangisda sa Scarborough dahil sa bagong polisiya ng pamahalaang Duterte.
"Sila ay nakapangisda na lang nung 2017 nung nagkaroon ng bagong polisiya sa administrasyon ni Presidente [Rodrigo] Duterte kung saan itinigil na natin 'yung pangangaway natin sa Tsina," aniya.
Sinabi rin ni Roque na nagkausap na sina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Chinese Ambassador Zhao Jianhua tungkol sa gagawing aksyon kaugnay ng insidente sa pagkuha ng huling isda ng mga Pinoy.
"Kinukumpirma ko rin ang report na nagrereklamo ang tatlong mangingisda na ito na nung Mayo ay kinuhaan sila ng isda ng Chinese coast guard. At kino-confirm ko po na nakapag-usap na si Secretary Cayetano at si Chinese Ambassador Zhao tungkol sa insidenteng ito," pahayag ng opisyal.
"In-assure ako ng Ambassador na hindi ito polisiya ng Tsina, na nag-iimbestiga ang Beijing at kung mapapatunayan ang sinabi ng mga mangingisda, merong kaparusahan na ipapataw dito sa mga Chinese Coast Guard na ito," dagdag niya.-- FRJ, GMA News