Malubhang nasugatan ang isang sanggol nang gawin umanong "human shield" ng isa sa dalawang lalaking pakay ng operasyon ng pulisya na sinasabing sangkot sa iligal na pasugalan at droga sa Pandacan, Manila.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad nang makatanggap sila ng impormasyon tungkol sa pasugalan at nagaganap na transaksyon ng iligal na droga sa barangay 868, Kahilom 2 sa Pandacan.
Pinuntahan ng mga awtoridad ang bahay ni Reggie Roxas at ang nagpunta roon na si Edwin Pore.
Kaagad na nadakip si Roxas pero si Pore, umakyat daw sa ikalawang palapag ng bahay at ginawang panangga ang sanggol.
Sinabi ng pulisya, kaagad pinaputukan ni Pore ang mga pulis kaya nagkaroon ng engkwentro.
Ilang sandali pa, makikita sa CCTV camera ang paglabas ng isang motorsiklo na pinagsakyan sa sanggol para madala sa ospital.
Napatay naman si Pore na sangkot din daw sa iligal na droga.
Ayon kay Erlinda Roxas, lola ng bata, bagaman ligtas na umano ang kaniyang apo ay nasa ICU pa rin ito dahil sa tinamong sugat sa paa, tagiliran at pusod.
Nakita naman sa bahay ni Roxas ang ilang kutsilyo, pen gun, sachet ng hinihinalang shabu at isang video karera machine.
Itinatanggi naman ni Erlinda na sangkot sa iligal na gawain ang kaniyang anak na si Reggie.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News